Misis nagpakamatay nang bawiin ni mister ang iniregalong pantalon

Dahil sa sobrang pagtatampo ng isang ginang matapos na bawiin ng kanyang mister ang iniregalong pantalon at muling ibenta, winakasan nito ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti kahapon ng madaling-araw sa Intramuros, Maynila.

Patay na nang matagpuan ni Rene Reyes, ng 546 Cablido St., Intramuros, bandang alas-4 ng madaling-araw ang kanyang asawang si Catherine, 28, walang hanapbuhay habang nakabitin sa kisame at nakapulupot sa leeg nito ang isang kumot.

Sa salaysay ng lalaki, hindi niya sukat akalain na gagawin ng kanyang misis ang pagpapakamatay matapos ang kanilang pagtatalo nang bawiin ng lalaki ang pantalon na iniregalo sa misis ng nagdaang Pasko.

Nabatid na hanggang sa pagtulog ng mag-asawa ay hindi na umano kinibo ng biktima ang kanyang mister.

Nagulat na lamang ang lalaki nang maalimpungatan ito at tumambad sa kanyang harapan ang nakabiting asawa.

Sinabi naman ng lalaki na kaya niya ibinenta ang bagong pantalon ay bunga na rin ng kakapusan nila ng pera at pambili ng pagkain. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments