Selosang misis, binaril sa ulo ni mister

Dahil sa pagiging selosa, isang ginang ang nasawi matapos barilin sa ulo ng live-in partner na isang retiradong miyembro ng Philippine Air Force kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Dead-on-arrival sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Portia Moleno, 42, nakatira sa P19-09, 5th St., Villamor Airbase ng lungsod na ito sanhi ng tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Samantala, kinilala ang suspek na si Saturnino Malalay, 48, nakatira sa nabanggit na lugar at nakakulong ngayon sa Pasay City detention cell at nahaharap sa kasong homicide.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Edgardo Cabria, ng Criminal Investigation Division (CID), Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:30 kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.

Nakahiga umano ang dalawa sa kanilang kuwarto at nauwi sa selos ang pag-uusap ng dalawa matapos paghinalaan ng biktima na may ibang babae ang suspek.

Dahil sa pagiging selosa nairita si Malalay kaya’t kinuha nito sa ilalim ng unan ang kanyang baril at itinutok sa ulo ng ginang.

Nag-agawan ang dalawa sa baril at hindi akalain ni Malalay na makalabit niya ang gatilyo at sinamang palad na tamaan ang selosang ginang. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments