Namatay noon din ang biktimang si Ken Furuta, tinatayang nasa pagitan ng edad 38-42 at pansamantalang nanunuluyan sa #712 7th Floor Mabini Mansion, ng nasabing lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO2 Raul Olivario ng Western Police District-Homicide Section, may hawak ng kaso, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang makarinig umano ang mga empleyado at residente ng nasabing mansion ng isang malakas at hindi maintindihang sigaw.
Ayon sa mga saksi, nakarinig na lamang sila ng isang malakas na sigaw at kalabog kasunod ng tunog ng nabasag na salamin ng bintana. Agad na naglabasan ang mga residente sa mansion mula sa kanilang mga kuwarto at laking gulat nang makita nilang nakahandusay ang Hapones sa ground floor at duguan.
Napag-alaman na ang biktima ay nag-check-in sa Mabini Mansion noong Dis. 22 at hindi naman umano ito nakitaan ng mga kakaibang kilos hanggang sa maganap ang umanoy pagpapakamatay nito.
Hindi pa umano masyadong malinaw kung ano ang trabaho at pakay ni Furuta sa bansa dahil hanggang sa sinusulat ito ay hindi pa nakukuha ng awtoridad ang passport nito.
Gayunman, nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung may foul play sa nasabing insidente na hinihinalang posibleng inihagis din ang dayuhan sanhi ng pagkakabasag ng salamin hanggang sa tuluyang mahulog sa ground floor. (Ulat ni Ellen Fernando)