Ayon kay Parañaque City chief of police, Supt. Ruben Catabonan, pinaniniwalaang grupo ng mga holdaper na kinabibilangan ng apat na kalalakihan ang bumaril at pumatay sa biktimang si SPO3 Jacinto Tannaga.
Nabatid kay Catabonan na nagsasagawa sila ng inspeksyon sa SM Dept. store nang makatanggap sila ng impormasyon na apat na armadong kalalakihan na pawang sakay ng isang get-away car na kulay maroon Nissan California na may plakang DFY-339 ang nangholdap ng isang Hapon sa Moonwalk Village, ng nabanggit na lungsod.
Sinabi ni Catabonan na inutusan niya ang biktimang si Tannaga na alamin ang nasabing insidente.
Nabatid na nasa gate pa lamang ng Multinational Village ay biglang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang biktimang si Tannaga na naging dahilan ng kamatayan nito.
Matapos ang pamamaril, inabandona ng mga suspek ang kanilang get-away car na ginamit sa Gabriel St., Brgy. Baclaran.
Ang mga suspek ay hinihinalang grupo ng mga holdaper na nambibiktima ng mga bagong dating na Hapon.
Nauna rito, lumabas ang anggulong ambush bunga ng impormasyong natanggap na report ng mga mamamahayag mula sa mga pulis na nakatalaga sa nabanggit na himpilan.
Sa ngayon ay may lead na ang mga pulis sa mga taong responsable sa pamamaril at pagpatay sa biktimang si Tannaga. (Ulat ni Lordeth Bonilla)