Ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police-Intelligence Group(PNP-IG), ang nasabing mga dayuhang terorista ay mahigpit ngayong binabantayan ng pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa Jordanian national na si Hadi Yousef Alghoul sa Bataan kamakalawa ng gabi.
Tumanggi naman ang source na pangalanan ang limang terorista na pawang mga Arabo mula sa Middle East na nagpaplano umanong magsagawa ng serye ng mga pambobomba sa Metro Manila.
Samantala, ang dalawa pang hinihinalang terorista na sangkot sa Rizal day bombing ay ibinunyag na patuloy na gumagala sa Kamaynilaan at umanoy maghahasik ng kaguluhan.
Sa nakalap na impormasyon ng PSN, ibinunyag umano ng isa sa mga pangunahing testigo sa Rizal day bombing na si Camid Cabugatan na nasa Metro Manila ang akusadong sina Hadji Onos alyas Muklis at Sammy Arinday.
Pinaniniwalaan na posibleng may kagagawan ang dalawa sa pagtatanim ng bomba sa Allied Bank sa Makati City at Smokey Mountain sa Tondo, Maynila kamakailan subalit masuwerte namang na-diffuse ito ng awtoridad.
Isinagawa ni Department of Justice(DOJ) State Prosecutor Peter Ong ang preliminary investigation sa Rizal day bombing noong Disyembre 7 at 14 subalit hindi naman lumantad ang mga pangunahing akusado sa krimen at hindi rin nagsumite ang mga ito ng counter-affidavits.
Kabilang sa mga sinampahan ng National Bureau of Investigation sa DOJ ng kasong multiple attempted, frustrated at consummated murder at illegal possession of explosives sina Onos, Arinday, Col. Efren Torres, Amir Dimaampo, Salvin Camama, Ibrahim Guindolongan, Roberto Ongot at Rogelio Cadagas.
Ang mga nabanggit ang itinuturong may kagagawan sa serye ng pambobomba sa LRT Blumentritt station; Plaza Ferguson sa Maynila; Edsan Bus Liner sa Cubao, Quezon City; Ninoy Aquino International Airport Centennial Air Cargo parking lot A at Petron Gasoline station sa Makati City. (Ulat nina Joy Cantos at Grace Amargo)