Maninipis at maiiksing damit bawal sa GROs

Ipinagbabawal ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang pagsusuot ng maninipis, maiiksi at malalaswang kasuotan sa mga guest relations officers (GRO) na namamasukan sa lahat ng beerhouses at night spots upang tuksuhin at mang-akit ng mga kostumer na pumapasok upang maglibang sa naturang mga establisimiyento.

Ang kautusan ay base sa direktiba ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi upang mapanatili ang disente at kaayusan sa mga club. Iginiit ng alkalde ang pagkakaroon ng dress code para masiguro na masusunod ang ipinasang ordinansa para dito.

Nabatid kay Gary Llamas, hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na nakasaad din sa kautusan ang pagbabawal sa mga GROs na umistambay sa labas ng kanilang pinapasukan na kadalasan ay kanilang ginagawa upang makahatak ng mga kostumer sa daan at maging ang pagpapalabas ng malaswang panoorin partikular na sa mga mananayaw.

Nagbanta ang alkalde na ipasasara ang mga club at beerhouses na hindi tutupad sa regulasyon at mananagot umano ang mga club owners dito.

Mahigpit ding ipagbabawal maging ang pagti-table ng mga GROs dahil kalimitan na rito umano nagsisimula ang gulo sa pagitan ng mga kostumer. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments