Pekeng pulis kotong nakubing ng mga vendors

Nasakote ng pulisya ang isang dating miyembro ng Philippine Constabulary (PC) matapos mabuko sa pagpapanggap nitong pulis at pangongotong sa mga vendors at jeepney drivers sa Parañaque City.

Kinilala ni SPO2 Elpidio Soquina ng follow-up unit ng Criminal Investigation Division, Parañaque Police ang suspect na si Lorenzo Promil, 39, binata, dating sarhento ng PC at residente ng #12-Q Road 10 1st West Crame, San Juan, Metro Manila.

Ang suspect ay ipinagharap ng reklamo ni Elena Espiritu, 38, negosyante, ng La Huerta Seaside ng nasabing lungsod.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Rogelio Legaspi dakong alas-11:00 ng gabi kamakalawa nang magkaroon ng komosyon sa paghingi ng lagay ni Promil sa mga vendors sa Uniwide Coastal Mall, Brgy. Tambo, Parañaque.

Napag-alaman na mahigit isang buwan nang umoorbit sa nabanggit na lugar si Promil upang mangolekta ng tig-isang daang piso sa bawat vendor na nakapuwesto at sa mga jeepney drivers na pumapasada sa harap ng mall para gawing terminal.

Si Promil ay nagpakilala na isang PO3 Jun Hans ng Parañaque Police at kahit hindi ito nakitaang nagsuot ng uniporme ng pulis ay palagi naman itong may dalang posas.

Pinagbantaan pa ni Promil ang mga vendors at drivers na kung aalma sa pagbibigay ng intelihensya sa kanya ay huhulihin at aasuntuhin.

Sa pagkakataong iyon ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng suspect at ilang vendors hanggang sa mabukong peke pala itong pulis.

Nahaharap sa kasong usurpation of authority at extortion si Promil sa Parañaque City Prosecutor’s Office at kasalukuyang humihimas ng rehas sa Parañaque Police detention center. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments