Si Councilor Bong Suntay ng ikaapat na distrito ng Quezon City ay ipinagharap ng reklamong physical injury ng biktima na kinilalang si Cris Cuaso, residente ng Verde Condominium, Pasadeña St., San Juan.
Nabatid sa ulat ni PO2 Joel Macabasag ng San Juan Police na naganap ang panunugod at pamamalo ng baril ng pulitiko dakong alas-10:30 ng umaga sa tahanan ng biktima.
Lumilitaw na aksidenteng nakita umano ng konsehal ang kanyang maybahay na hindi binanggit ang pangalan sa tapat ng condominium ng biktima at may dalang pagkain.
Labis na paninibugho ang naramdaman ng konsehal kayat mabilis itong bumaba ng kaniyang sasakyan at sinundan ang maybahay na naaktuhan umanong ibinibigay ang dalang pagkain.
Galit na galit ang konsehal na sinugod ang biktima at hindi napigilan ang sarili nang hatawin pa ito sa ulo ng baril.
Agad na nawalan ng malay ang biktima na mabilis namang naisugod sa Cardinal Santos Medical Center kung saan nilapatan ng lunas ang putok na ulo nito bunga ng pagkakapalo ng baril.
Agad namang umalis ang konsehal makaraan ang insidente. Hinihinala ng pulisya na labis na selos ang umiral sa konsehal dahil sa guwapo ang biktima na kakilala ng maybahay nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)