Kinilala ni Senior Inspector Napoleon Bataycan, hepe ng Station Investigation and Intelligence Division ng Malabon Police ang biktima na si Mailing Ang, alyas Okim, umanoy isang tomboy ng 16 Cherrygail II Subdivision, Barangay Hulong Duhat ng nasabing lungsod.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-8:26 ng gabi ng maganap ang insidente hindi kalayuan sa bahay ng biktima.
Napag-alaman na bigla na lamang hinarang ng tatlong armadong kalalakihan na sakay ng isang L300 van na walang plaka ang sinasakyang Ford Fierra ng biktima habang papauwi ito sa kanilang bahay.
Kaagad umanong tinutukan ng dalawang suspect ng mataas na kalibre ng baril ang biktima, isa sa mga ito ay nakasuot pa ng police uniform samantalang ang isa pa ay may suot na bonnet sa mukha at mabilis na isinakay ang biktima sa kanilang get-away vehicle na doon naghihintay ang isa pa nilang kasamahan.
Sinabi ni Bataycan na posible umanong mistaken identity ang nangyaring pagdukot sa biktima. Maaaring inakala ng mga suspect na si Okim ang anak ng may-ari ng pagawaan ng sardinas na si Mariano Sy na matagal ng hindi nagtutungo sa kanyang pabrika at sa Parañaque na ito nakatira.
Inakala ng mga suspect na ito ang anak ng may-ari dahil sa Chinese looking ito, ngunit ang katotohanan ito ay anak ng caretaker ng pabrika na si Leong Ang.
Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya para mabawi ang biktima. (Ulat ni Gemma Amargo)