2 Hong Kong national, 2 galamay timbog sa 90 kilos ng marijuana

Nakumpiska ng mga kagawad ng Malabon police ang may 90 kilos ng pinatuyong marijuana kasabay ng pagkakaaresto ng apat katao kabilang ang dalawang Hong Kong national na umano’y mga miyembro ng 14K drug syndicate kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Supt. Ernesto Fojas, hepe ng Malabon police, ang dalawang Hong Kong national na sina Luk Wal alyas Sam, 30, at Cheng Saiwa, 36, kapwa pansamantalang nanunuluyan sa Bayview Hotel, Roxas Blvd.; Danilo King, 48, ng Estrella St., Bangkal, Makati City at Danilo Regala, 23, ng 4th Singco St., Sucat, Parañaque City.

Base sa ulat ni Insp. Noel Lasquite, hepe ng DEU ng Malabon Police, dakong ala-una ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspect sa Petron gasoline station na matatagpuan sa Gov. Pascual St., Brgy. Baritan ng nasabing lungsod.

Napag-alaman na ilang linggo nang minamanmanan ng mga tauhan ng DEU ang apat na drug dealer matapos na makatanggap ang mga ito ng impormasyon sa isang impormante na ang naturang grupo ang responsable sa large-scale distribution ng pinatuyong marijuana sa buong siyudad ng Malabon.

Kaagad na bumuo ng isang grupo si Fojas sa pangunguna ni Lasquite matapos na mapag-alamang magbabagsak ng marijuana ang mga suspect sa naturang lugar.

Isang buy-bust operation ang isinagawa na dito nasamsam sa mga nadakip ang may 90 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana.

May hinala naman si Fojas na ang dalawang Hong Kong national ay miyembro ng 14K gang na nag-ooperate dito sa Maynila.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspect habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 6425. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments