Si Cesar Capili ay sinampahan ng kasong kriminal at administratibo matapos na lumitaw sa imbestigasyon ni Graft Investigation Officer 1 Sherwin Casurao na pineke nito ang kanyang personal data sheet kung saan nakalagay na graduate ng Bachelor of Science sa Far Eastern University at BS Criminology sa Ortañez University.
Batay sa resolusyon na ipinalabas ng Office of the Ombudsman, lumitaw na si Capili ay hindi nakapagtapos ng kanyang pag-aaral bagkus gumawa lamang ng paraan para palabasin na nakapagtapos ng nasabing kurso para suportahan naman ang kanyang appointment bilang Security Officer IV.
Nakasaad din sa resolusyon na dahil sa ginawang pamemeke ni Capili kung saan nakakita ng prima facie evidence ang Ombudsman ay nararapat lamang itong kasuhan ng three counts ng falsification of public documents dala na rin ng pamemeke ng tatlong data sheets kabilang dito ang pagpeke sa Commission on Higher Education (CHED) Certification.
Upang suportahan ang findings ng Ombudsman ay isang sertipikasyon din ang ipinalabas ng FEU na nagpapatunay na hindi ito kailanman naging estudyante si Capili. (Ulat ni Ellen Fernando)