Kinilala ni C/Supt. Domingo Aquino Reyes Jr., Police Regional Office 4 Director ang mga nadakip na sina Joselito Esguerra, na may mga alyas na Ka Anday/Henry/Awel/Tetet/ Nuriel/Gilbert at Arnel Ramos na may alyas namang Plery/Rico na may misyong maglikida ng mga kilalang personalidad sa bansa kabilang na ang isang negosyante
Si Esguerra ay bagong-halal na hepe ng Military Bureau ng PMLP na direkta umanong namamahala sa National Operational Command (NOC) na siyang tumatayong "armed component" ng PMLP samantalang si Ramos ay bagong-talagang pinuno ng Political Section ng Strategic Intelligence Group ng MB.
Nabatid na bago nadakip ang dalawa sa Monumento, Caloocan, ng mga pinagsanib na puwersa ng PRO4 at Task Force "Sanlahi" ay pinamahalaan muna ng mga ito ang founding Congress ng PMLP noong nakaraang Nobyembre 7 hanggang 10 kung saan pinag-usapan sa nasabing pagpupulong ang pagpapalit sa pangalan ng Alex Boncayao Brigade (ABB) na siyang hit squad ng komunistang kilusan.
Sa pamamagitan ng malaking bilang ng boto ay napagkasunduan na sa halip na ABB ay gamitin na lamang ang pangalang "partisans" bilang bagong pangalan ng kanilang hit squad.
Ilan sa mga balak ilikida ng grupo sa lalong madaling-panahon ay sina Bert Nodalos, may-ari ng Nodalos Muffler center, isang hindi nakikilalang chief security ng pinagtatalunang lupain sa Moldex, Bulacan at isang rapist sa Sta. Rosa, Laguna. (Ulat ni Joy Cantos)