Si Roces, Jennifer Molina sa totoong buhay ay sinamahan ng kanyang asawang si Tito Molina at ng kanyang abogado nang magtungo ang mga ito dakong alas-9:30 ng umaga sa sala ni Judge Abraham Barreto.
Nauna rito ay nagpalabas ng arrest warrant laban kay Roces si Judge Barreto makaraang mapatunayang mayroong probable cause ang isinampang kasong libel ni Joselito Jojo Manlongat na umanoy miyembro ng Valle Verde Boys, isang kilabot na sindikato ng carnappers na bumibiktima ng mga luxury cars.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Manlongat na hinamak, dinungisan at niyurakan ni Roces ang kanyang karangalan makaraang tawagin siya nito bilang carnapper sa July 7 episode ng programang Star Talk kung saan si Roces ang host.
Ginamit sa pitisyon ni Manlongat ang eksaktong pananalita ni Roces na..."Si Jojo Manlongat yun. Yung carnapper."
Samantala ay pinanindigan naman ni Roces ang kanyang naging aksyon sa nasabing programa na siyang pinagbasehan ng kasong libel.
Ayon sa aktres ay kasalanan ni Manlongat ang lahat dahil aniya napanood niya sa telebisyon ang huli kasama ang ilan pang miyembro ng sindikato na umanoy kinaaniban nito nang ang mga ito ay iharap sa media nang nabuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) noong isang taon dahil sa serye ng nakawan ng mga mamahaling sasakyan.
Itinakda naman ang preliminary trial ng nasabing kaso sa Jan. 16, 2002. (Ulat ni Danilo Garcia)