Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Racquel Hermocilla ng #9 Caressa St., Rivera Village, NAIA Road, Pasay City.
Sa imbestigasyon nina SPO2 Eduardo Cabria at PO3 Reynaldo Aguba ng Criminal Investigation Division (CID), Pasay City, dakong alas-6 kahapon ng umaga nang matagpuan ng mga kapitbahay na nakahandusay sa labas ng kanilang bahay ang biktima.
Kaagad na natukoy ng isa sa mga kapitbahay nito na nakilalang si Michelle Medraso na lumunok ng watusi ang biktima makaraang makitaan sa loob ng bibig nito ang ilang hindi pa halos natutunaw na paputok.
Kaagad na nilapatan ng first aid ng mga kapitbahay ang biktima bago ito itinakbo sa Olivarez Medical Center, gayunman ay nalagutan din ito ng hininga bago pa dumating sa nasabing pagamutan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na bago naganap ang pagpapatiwakal ng biktima ay madalas na naririnig itong nakikipag-away sa kanyang asawa bunga ng labis na kahirapan.
Kaugnay nito ay agad namang ipinag-utos ng National Poison Control and Information Service (NPCIS) ng University of the Philippines -Philippine General Hospital (UP-PGH) ang istriktong pagmo-monitor ng mga aksidenteng pagkakalunok ng mga watusi partikular sa mga kabataan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)