Ito ay nag-ugat nang ipagdiinan ni Espina sa witness stand na boluntaryong sumuko sa kanila si Medel at walang pagto-torture na naganap dito, gaya nang ipinaparatang nito. Itinanggi din ni Espina na itinatago nila si Mike Martinez na umanoy susi sa paglutas sa kaso ng beteranang aktres.
Habang nagbibigay nang pahayag ang TF Marsha spokesman ay bigla namang nagsisigaw si Medel at sinabing "I did not volunteer", kasabay pa nang pagtataas ng kamay dahilan naman upang balaan ito ng hukom na manahimik kundi ay kanya itong ipapakulong sa loob ng Quezon City jail.
Pumayapa naman si Medel at habang nasa upuan ay ibinubulong na sinungaling si Espina na sinabayan pa nito nang pangangatog ng katawan na tila anumang oras ay maaaring muling magliyab ang kinikimkim na galit.
Sa isinagawang pagdinig, pinanindigan din ni Medel na nakaharap niya si Mike Martinez noong Nobyembre 19 makaraang umanoy dukutin ito ng mga armadong kalalakihan habang naglalakad sa may Magnolia St., Sun Valley Subdivision sa Parañaque na tila may palatandaan pa na ito ay pinahirapan.
Nag-ugat naman ang paghaharap ni Medel at Espina sa korte makaraang magsumite ng writ of habeas corpus ang pamilya ni Martinez para tuluyang mabatid ang kinaroroonan nito.