Dalaga patay sa sakal ng nobyong binigo

Isang dalaga ang nasawi matapos sakalin at paluin sa ulo ng matigas na bagay ng isa sa kanyang manliligaw makaraang biguin ito kahapon sa Parañaque City.

Wala ng buhay nang matagpuan ang biktima na kinilalang si Jayne Tayag, 18, tubong Zambales, pansamantalang nanunuluyan sa No. 233 Kim St., Airlines Village, Barangay Vitales ng lungsod na ito.

Ang suspek ay nakilala lamang sa alias na Richard ay mabilis na tumakas matapos isagawa ang krimen.

Sa ulat ni SPO3 Odeo Cariño, ng Criminal Investigation Division (CID), Parañaque City Police, dakong alas-6 kahapon ng umaga nang matagpuan ang biktima sa ilalim ng papag.

Nabatid na biyak ang noo ng dalaga na palatandaang ito’y hinataw ng matigas na bagay sa ulo at may marka ng mga daliri ang leeg nito.

Nabatid na madalas ng idinadaing ng biktima sa mga kaanak ang manliligaw dahil sa mga pagbabanta nito.

May hinala ang pulisya na binasted ng biktima ang suspek dahil sa hindi nito matanggap ang pagkabigo ay pinatay nito ang dalaga. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments