Sa kanyang report kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sinabi ni Lina na ang magandang pangyayaring ito ay nagpapakita lamang na maganda ang resulta ng kampanya ng PNP laban sa krimen.
Sa programang "May Gloria ang Bukas Mo", sinabi ni Lina na isa sa mga hakbang na ipinatupad ng PNP ay ang pagtatalaga ng maraming pulis sa mga istratehikong lugar para magdalawang-isip ang masasamang-loob na isagawa ang kanilang masamang aktibidad.
Ayon pa kay Lina, 85 porsiyento ng mga pulis ang pinalabas sa opisina at 15 porsiyento lang ang natira para siyang mangasiwa sa gawain sa presinto at punong tanggapan ng PNP.
Bukod pa rito, ani Lina, nadagdagan ng 1,500 bagong pulis ang PNP na siyang nangangasiwa ng kaayusan at katahimikan sa kalakhang Maynila.
Ang masiglang pagsangkot ng mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng kapayapaan ay mahalaga ring aspeto na nakatulong sa pagkabawas ng krimen sa Metro Manila. Ang mga opisyal ng barangay, ani Lina, ang siyang higit na nakakaalam ng mga illegal na aktibidad ng mga taong nasasakupan ng kanilang hurisdiksyon tulad ng illegal na pagsusugal, pagbebenta ng bawal na gamot at maging sa pangingidnap. (Ulat ni Lilia Tolentino)