Tumanggi naman ang Pangulo na magbigay ng komento o pahayag kaugnay sa mga alegasyong dumanas ng hirap at pananakit ang aktres na si Maria Teresa Carlson na nauwi sa malagim na pagpapatiwakal nito.
Kaugnay nito, magtutungo ngayon ang Pangulong Arroyo sa Laoag upang bisitahin ang ilang proyekto ng gobyerno doon.
Isasabay na rin ng Pangulo ang pagdalaw niya sa burol ng nagpakamatay na aktres na si Carlson.
Ito ay upang personal na ipaabot ang pakikiramay sa pamilya ni Carlson at sa asawa nitong si dating Congressman Rodolfo Fariñas.
Magugunitang inulat na bago ang isinagawang pagpapatiwakal ni Carlson ay nagtungo pa ito sa Malacañang para iabot kay Pangulong Arroyo ang isang video tape. Gayunman, hanggang sa ngayon ay walang katiyakan ang tungkol sa naturang tape na dinala nito sa Malacañang.
Samantala, ipinasa na ng San Juan police sa mga psychiatrist ang pagbuo ng teorya sa tunay na sanhi nang pagkamatay ng dating beauty titlist at aktres na si Carlson matapos na tuluyang isara na ang kaso nito sa suicide.
Sinabi ni San Juan police chief, Supt. Rodrigo de Gracia na bahala na umano ang mga ekspertong psychiatrist na mag-analisa ng tunay na sanhi at ng iniisip ni Carlson bago ito magpakamatay.
Itoy matapos na walang makitang tanda ng foul play ang pulisya sa labi ni Carlson at ito ay nasa impluwensiya lamang ng alak nang tumalon buhat sa ika-23 palapag ng Platinum 2000 building sa San Juan. (Ulat nina Ely Saludar at Danilo Garcia)