Fariñas maaaring papanagutin sa pagkamatay ni Carlson

Inihayag kahapon ng Commission on Human Rights (CHR) na maaaring panagutin si dating Ilocos Norte Gov. Rodolfo Fariñas sa pagkamatay ng kanyang asawang aktres at beauty queen na si Maria Teresa Carlson na iniulat na tumalon buhat sa ika-23 palapag ng Platinum 2000 building sa San Juan noong nakalipas na Biyernes.

Kasabay naman nito, sinabi ni Supt. Rodrigo de Gracia, ng San Juan police na inilabas ng medico-legal ng Scene of the Crime operatives na pinirmahan ni Supt. Theresa Freyra na si Carlson, 38, ay over-dose sa tranquilizer ng ito ay mamatay.

Ilan din umanong anti-manic-pills ang narekober ng SOCO sa bahay ni Carlson na ayon sa kanyang katulong na si Rochille Flores, 27, ay ginagamit ng kanyang amo bilang mga vitamins.

Sa kabilang dako, sinabi ni CHR chairperson Aurora Navarette-Recina na maaaring panagutin si Fariñas sa pagkamatay ng aktres dahil sa alam na alam na rin ng publiko na si Carlson ay isang battered wife.

Binanggit pa nito na tatlong taon na ang nakakaraan ay siniyasat ng CHR ang kaso ng naturang aktres na humingi ng tulong sa kanilang tanggapan.

Gayunman, hindi nila naituloy ang pagsisiyasat sa kaso dahil sa pabagu-bago ang isip ng aktres na madalas na mag-retract sa kanyang statement.

Maging ang mga imbestigador umano ay nahirapan na mai-pursue ang kaso lalo pa nga’t wala silang makuhang hospital records na magpapatunay sa pambubugbog sa kanya ng kanyang asawa.

"Kung sino man ang may alam kailangang mailabas ang mga ebidensiya. Makakatulong ito ng malaki para mabigyan ng hustisya ang naturang aktres," dagdag pa ni Recina. (Ulat ni Non Alquitran)

Show comments