Sumasailalim sa masusing interogasyon si Laverne Manzano, 32, ng Makati City. Siya ay dinampot ng mga ahente ng NBI dakong alas-9 ng gabi sa Comelec building sa Intramuros, Manila.
Ayon sa NBI, si Manzano na naka-employ bilang clerk sa Comelecs Education and Information Department ay sinasabing kinuha ni Matibag para maging personal back-up bodyguard.
Nakuha kay Manzano ang isang Ruger 9mm pistol.
Binanggit naman nito na ang naturang baril ay binili niya sa Twin Pines gun store sa Makati Cinema Square branch noong nakalipas na taon at ito ay may lisensiya,
Subalit binanggit ng NBI na ang gun license at permit to carry ni Manzano na kanyang prinisinta ay parehong peke.
Sinabi pa ng mga imbestigador na nagberipika sila sa Firearms and Explosives Division ng PNP sa Camp Crame at kanilang natuklasan na walang baril na naka-isyu dito.
Dahil dito, isasailalim si Manzano sa paraffin test para madetermina kung pinaputok nito ang kanyang baril. Ang nakuhang baril ay isasailalim din sa ballistic test para alamin kung ito ang ginamit sa inambus na Comelec official.
Itinanggi naman ni Manzano na may kinalaman siya sa naganap na pag-ambus kay Cinco kasabay nang pagsasabing nasa opisina siya ng maganap ang krimen.
Magugunitang sa isinagawang pag-ambus kay Cinco nasugatan din ang kanyang anak na si Carlo. (Ulat nina Ellen Fernando at Mike Frialde)