Ito ang nabatid sa Land Transportation Office (LTO) matapos na rebisahin ang kanilang rekord at dito napatotohanan na walang lisensiya ang binatilyong anak ng comedy king na si Dolphy at aktres na si Alma Moreno nang mabangga ang minamaneho nitong F-150 na may plakang WGD-621 sa may Brgy. Sto. Rosario, Pozzorubio, Pangasinan.
Ayon kay LTO Chief Edgardo Abenina, hindi pinapayagan ng LTO alinsunod sa batas na magbigay ng lisensiya sa isang menor-de-edad na tulad ni Vandolph na nadiskubre nilang 16-anyos pa lamang.
Sinabi pa ni Abenina na maaari pa ngang makasuhan ang batang Quizon dahil sa ginawa nitong pagmamaneho nang walang lisensiya. Naniniwala rin ang LTO chief na maaaring hindi makakuha ng claims sa insurance ang sasakyan na minamaneho ni Vandolph dahil na rin sa kawalan nito ng lisensiya.
Liable din ang driver na kasama ni Vandolph dahil pinabayaan nitong magrelyebo ang binatilyo sa pagmamaneho.
Magugunitang sa naganap na aksidente, nanganib na maputulan ng mga paa ang aktor, habang ang girlfriend nito na si Krissie Raqueza at dalawa pang kasama na sina Allan Araza at Ruel Biong ay nasa kritikal pa ring kondisyon.
Samantala, matagumpay naman ang isinagawang anim na oras na operasyon sa binatilyong aktor sa Makati Medical Center. Nakaligtas na rin umano ito sa peligrong maputulan ng paa. Gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang pagmomonitor dito ng mga doktor sa nabanggit na pagamutan. (Ulat nina Angie Dela Cruz at Danilo Garcia)