Sa ulat na isinumite ni Chief Inspector Moises Gatbonton Jr., commander ng Police Community Precint 1 kay Supt. Jovito Gutierrez, hepe ng Makati City Police, ang naturang airplane time bomb equipment ay na-recover ng kanyang mga tauhan sa bakanteng lote ng panulukan ng Binakod at Novaliches Streets habang nagsasagawa ng inspection.
Ang pagkakadiskubre sa 18 kahon ng highly sophisticated airplane equipment bomb ay bahagi ng programa ng pamahalaan hinggil sa mahigpit na kampanya laban sa umanoy lumalalang terorismo na umiiral ngayon sa buong mundo.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga kagawad ng PCP 1 mula sa kanilang mapapagkatiwalaang impormante na tumangging magpabanggit ng pangalan, na magbabagsak umano sa nabanggit na lugar ng mga time bomb equipment ang grupo ng mga terorista na nakabase sa Kalakhang Maynila.
Nagsagawa ng ilang buwang surveillance ang mga tauhan ni Chief Inspector Gatbonton at tiyempong na-recover nila noong Nobyembre 12 ang 18 kahon na naglalaman ng highly sophisticated airplane time bomb equipment na ginagamit ng mga terorista sa mga eroplanong kanilang pasasabugin.
Subalit, kaagad na nakatakas ang mga suspek na pinaniniwalaang grupo ng mga terorista at tanging ang 18 kahon lamang ang kanilang nakuha.
May hinala pa rin ang pulisya na ang nasabing time bomb equipment ay posibleng ginamit sa pagpapasabog sa World Trade Center sa New York, United State of America na ikinasawi ng libu-libong katao nitong Setyembre, taong ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)