Ito ang inihayag kahapon ng isang opisyal ng PNP kasabay nang pagsasabing tukoy na nila ang grupong dumukot kay Angela Dee Pineda dahil sa nakitang kakaibang pattern o istilo ng operasyon ng mga kidnappers na nagsasagawa ng kidnapping sa ibat ibang bahagi ng Metro Manila.
Sinabi ng opisyal na bahagi ng modus operandi ng naturang grupo ang magsuot ng mga t-shirt ng PNP upang magpanggap na mga pulis at ng sa gayon ay madali ang mga ito sa pagsasagawa ng kanilang ilegal na aktibidades.
"Pinag-aaralan na namin iyong pattern ng operasyon nila sa tuwing aatake ay laging nakasuot ng police uniform. May isang grupo kaming kilala na ganyang-ganyan pero subject pa for further verification pa rin," paglalahad pa ng naturang opisyal.
Samantala, naglunsad na ng operasyon ang PNP para mabilis na madakip ang dumukot sa anak ni Dr. Vinsons Pineda, isang kilalang dermatologist. (Ulat ni Joy Cantos)