Sinabi ni Roco na isusulong niya kasama ang ilang civic groups at non-government agency sa Kongreso upang amiyendahan ang batas na gumagapos sa mga guro sa naturang gawain.
Papakiusapan umano niya ang Kongreso na amiyendahan ang Section 13 ng Omnibus Election Act o RA 6646 na nagtatalaga sa mga guro na mamahala tuwing eleksyon. Ayon pa kay Roco maaari umanong kumuha ng ibang mga tauhan ang Commission on Elections (COMELEC) ngunit huwag lamang mga guro.
Sinabi pa nito na kung hindi maoobliga ang mga guro sa eleksyon, mapupuwersa umano ang Comelec na ituloy na sa wakas ang pagkakaroon ng computerization na siya naman talagang itinatadhana ng batas ngunit patuloy na hindi natutupad.
Marami na rin umano sa mga guro ang nagrereklamo sa kanilang gawain dahil sa panganib sa kanilang buhay, bukod pa dito ang pagkakasangkot sa korupsyon at pamomolitiko ng mga kandidato.
Bukod dito, hindi na rin hahayaan ang mga guro na gampanan ang ibang tungkulin tulad ng pagsasagawa ng programa at pagsa-survey sa mga komunidad na nagpapaliit sa oras ng kanilang pagtuturo sa mga mag-aaral. (Ulat ni Danilo Garcia)