Umaabot sa 14 na kilo ng shabu pa ang nakuha mula sa nasamsam pang mga kemikal.
Ang nadagdag na bilang ng ilegal na droga ay lalo pang nagdiin sa apat na suspect na mga Chinese nationals na naaresto sa kanilang laboratoryo ng shabu sa Capitol 8 Subd., Brgy. Kapitolyo.
Tatlo sa apat na suspect ang naaresto ng PNP na kinilalang sina Xingfu, Chua Chiy Li, Joey Lu habang tinutugis pa rin si Cai Hontian alyas Wah Yah.
Unang sinabi ng mga suspect na ang kanilang ginagawang shabu ay mababa ang kalidad dahil hinahaluan nila ito ng ephedrine at soda flakes.
Umabot na sa kabuuang 20 kilo ng droga ang nasamsam sa nasabing laboratoryo na inuupahan ng isang Xingfu Wang sa halagang P50,000.
Sa ulat na nilagdaan ni Insp. Vivian Sumobay, forensic chemical officer ng PNP crime ay lumilitaw na ang 14 kilo ng shabu ay nasa kulay brown na kristal na estado na nito. Ito, ani Sumobay, ay nasa proseso na ng crystalization.
Dahil dito ay sinabi ni Metro Manila Police Chief Deputy Director Edgardo Galvante na ang dami ng nasamsam na droga ay inaasahan pang tataas bunga ng pagkakasali sa bilang ng 14 kilong kinumpirma ng lagda ni Sumobay. (Ulat ni Non Alquitran)