14-anyos Fil-Chinese kinidnap

Dinukot ng apat na armadong kalalakihan kahapon ng umaga ang isang 14-anyos na Fil-Chinese na babae habang papasok ito sa paaralan sakay ng kanilang van sa Mandaluyong.

Nakilala ang biktima na si Angela Pineda Dy, estudyante ng Tabernacle of Saints School sa San Juan, at residente ng Salcedo Village, Makati City.

Nabatid na sakay ng kanilang Starex van na may plakang WEA-968 ang biktima kasama ang tatlong bata, dalawang yaya at driver na si Herminio Altarejos, 43, nang harangin sila ng isang Toyota Revo, may plakang WES-277, sa panulukan ng Calderon St. at Shaw Blvd., Mandaluyong City.

Ayon kay Altarejos, akala niya ay paparahin siya dahil sa paglabag sa trapiko ngunit agad siyang tinutukan ng M-16 armalite at agad na binuksan ang pinto ng van.

Pinilit na haltakin ng mga kidnaper ang biktima habang pinalo naman sa ulo ang dalawang yaya ng mga bata na nagtangkang manlaban.

Agad na tumakas ang mga suspect na nakasuot ng itim na long sleeves shirt patungong Pasig City sakay ng naturang Revo. Tinangay pa umano ng mga suspect ang susi ng kanilang van upang hindi sila makahabol.

Nabatid din na ang biktima ang kaisa-isang anak ni Dr. Vinsons Pineda na kilalang dermatologist. Ipinaalam na rito ang naturang pagdukot sa anak habang nagsasagawa pa rin ng operasyon ang mga pulis upang matukoy ang naturang sasakyan ng mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments