Kinilala ni Simeon Vallada, BI head supervisor sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pasahero na si Johan Anders Norblom, 33-anyos, may hawak ng Finland passport na may numerong 12405855.
Si Norblom ay dumating sa NAIA noong Sabado ng gabi sakay ng Thai Airways flight TG 620 mula sa Bangkok.
Sinabi ni Leila Mariano, pamangkin umano ni Executive Secretary Alberto Romulo at isa sa mga binastos ni Norblom na nagsimulang manggulo ang huli dahil sa sobrang kalasingan nito sa alak.
Pasuray-suray pa umano si Norblom na naglalakad sa loob ng eroplano at sumisigaw at kapag sinaway ay nagmumura.
Idinagdag pa ni Mariano na nang umupo si Norblom sa kanyang gawing harapan, itinihaya ng huli ang kanyang upuan at tumama sa dibdib ng una.
Pinagsabihan ni Mariano na umayos ng upo ang nabanggit na dayuhan dahil siya ay tinamaan subalit sa halip na humingi ng paumanhin, tumayo ang huli sabay hawak sa balikat ni Mariano at patuyang sinabing "Are you a tiger?"
Kinailangan pang awatin ng mga airport police ang naturang Finnish national dahil sa patuloy nitong panggugulo habang naglalakad sa Immigration lane sa NAIA.
Kaagad na nilagdaan ni Vallada ang exclusion order at agarang ipinatapos si Norblom pabalik sa kanyang point of origin.
Inilagay din sa listahan ng mga undesirable aliens ang pangalan ni Norblom at hindi na makababalik sa Pilipinas. (Ulat ni Butch Quejada)