Kinilala ni PNP CIDG Chief Nestorio Gualberto ang naarestong suspect na si Thelma Ilagan, isang dati at hanggang ngayoy nagpapanggap na ahente ng Air Material Wings Savings and Loans Association, Inc. (AMWSLAI).
Naganap ang pag-aresto dakong alas-9:15, isang oras makaraang dumalo si Ilagan sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Judge Luisa Quijano-Padilla para sa pagdinig ng tatlong kaso ng estafa.
Napag-alaman na ang suspect ay inireklamo ng may 30 mga pulis at sundalo na pare-parehas na niloko ng biktima sa kanilang isinumiteng "loan" sa AMWSLAI na hindi nila natanggap kahit matagal nang naaprubahan.
Batay sa imbestigasyon, ilan sa mga miyembro ay nanatiling may "outstanding balance" kahit matagal nang nakapagbayad sa kanilang mga utang. Bunga nito, nabisto na hindi nire-remit ni Ilagan ang perang dapat mapunta sa pondo ng AMWSLAI.
Bukod dito, hindi pa rin umano natatanggap ng mga sundalo at pulis ang kanilang mga binayarang order na baril at iba pang kagamitan kay Ilagan.
Nabulgar din na ibat ibang tirahan ang ginagamit ng suspect upang hindi siya matunton ng kanyang mga pinupuntiryang biktima.
Napag-alaman pa na kada buwan, umaabot sa may P300,000 ang nadidispalko ni Ilagan sa kanyang ilegal na gawain. (Ulat ni Joy Cantos)