Kasalukuyang sumasailalim sa operasyon sa Tondo Medical Center matapos na masunog nang husto ang mukha ng biktimang si Teodorico Resureccion, 49, ng Phase 2 Package 2 Blk 53 Lot 6 Bagong Silang ng naturang lungsod at traffic enforcer ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM).
Kaagad namang naaresto ang live-in partner nito na si Nimpha Orlino, 43.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-9 ng umaga ng magkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahilan sa umanoy pagseselos ng suspect sa biktima dahilan sa madalas na ma-tsismis na may ibang babae ito.
Sa kainitan ng pagtatalo ay bigla na lamang kumuha ng bote ng asido ang suspect at binuhusan ang biktima sa mukha.
Mabilis na dinala ng kanilang mga kapitbahay sa naturang ospital ang biktima subalit makalipas ang ilang minuto ay dumating sa pagamutan ang suspect at muling binuhusan ng asido sa mukha si Resureccion.
Ayon sa pulisya, matindi ang pagseselos at galit na naramdaman ng suspect na siyang nagtulak dito upang dalawang ulit na buhusan ng asido sa mukha ang kanyang ka-live-in.(Ulat ni Gemma Amargo)