Inatasan ni Mayor Belmonte si CPD Director Chief Supt. Rodolfo Tor na magpakalat ng unipormadong pulis sa mga terminal ng bus na inaasahang dadagsain ng daan-daang commuters na magtutungo sa kani-kanilang probinsya para mag-alay ng mga bulaklak at kandila sa mga puntod ng kanilang kaanak.
Tiniyak ni SB sa publiko na ang pamahalaang lungsod ay nakapaghanda para iseguro ang katahimikan at kaayusan laban sa mga masasamang loob na gustong manabotahe at ang pagkakaroon ng maayos na daloy ng trapiko patungo sa pitong pampubliko at pribadong sementeryo sa nasabing araw ng paggunita.
Sinabi naman ni Manuel Sabalza, ng department of public order and safety na magtatalaga siya ng mga traffic enforcers upang tumulong sa mga operatiba ng CPD at ng Metro Manila Development Authority sa pagmamantine ng peace and order.
Imomobilisa rin ni SB ang mga personnel ng mga sementeryo sa pamumuno ni Emilio del Prado, upang lalong matiyak na walang mangyayaring anumang kaguluhan sa nasabing araw.
Ang "Oplan Kaluluwa 2001", isang traffic Management plan sa All Saints Day at All Souls Day sa Nov. 1 at 2 ng Central District Traffic Management Unit ay ang siyang mangangasiwa hindi lamang sa traffic enforcement kundi sa pagtatanggal din ng mga obstruction o harang sa mga ruta patungo sa mga sementeryo. (Ulat ni Doris Franche)