Kapwa ginagamot ngayon sa Pasig City General Hospital ang mga biktimang nakilalang sina PO1 Adan Pagkatipunan ng Pasig Police Mobile Unit at Jose Paor, 43, negosyante, ng Ramos St., Brgy. Rosario, Pasig City.
Nabatid na nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang kaliwang braso si Pagkatipunan habang tinamaan naman sa katawan si Paor.
Kasalukuyan namang nakadetine ngayon sa Pasig detention cell ang suspect na nakilalang si Bobby Imperial, 40, ng Brgy. Napico. Inihahanda ngayon ang mga kasong robbery with double frustrated homicide laban sa kanya.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na nakasakay sa kanyang kotse si Paor sa harap ng kanyang bahay dakong alas-10 ng gabi nang huminto ang isang motorsiklo sa kanyang harapan kung saan sakay si Imperial.
Agad na tinutukan ng suspect si Paor ng .38 kalibreng rebolber at nagpahayag ng holdap. Dahil naman umano sa takot na manlaban ang biktima, agad na pinaputukan ito ng suspect bago kinuha ang wallet at mga alahas nito.
Narinig naman ang putok ni Pagkatipunan na sakay ng mobile at rumesponde sa naturang lugar. Dito nagkaroon ng palitan ng putok habang naghahabulan kung saan tinamaan ang pulis.
Isa namang mobile car ang sumalubong sa suspect, sanhi ng kanyang pagkakaaresto. Narekober sa kanya ang baril, pera at alahas na tinangay niya kay Paor. (Ulat ni Danilo Garcia)