Pulis patay, 3 nasagip sa kidnap gang

Isang pulis ang napatay, samantalang tatlo namang kidnap-victim ang nailigtas at apat na mga kidnappers ang nadakip sa naganap na madugong search and rescue operations sa tatlong kidnap victim sa San Francisco del Monte, Quezon City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawing pulis na si SPO4 Edmundo de Leon, nakatalaga sa National Capital Region Police Office Intelligence Group. Hindi na siya umabot pang buhay nang isugod sa Saint Agnes Hospital bunga ng dalawang tama ng bala ng baril sa dibdib at leeg.

Samantala, nakilala naman ang mga nadakip na kidnappers na sina Ernesto Cantere, 36; Frank Gajes, 29; Ronnie Figuerroa, 36 at si Hans Tan na pawang naninirahan sa 39 Apollo St., Barangay San Francisco del Monte, Quezon City. Ang mga nabanggit ay pawang miyembro ng ‘Esting Gang’.

Habang nasa kainitan nang pagpapalitan ng putok, nakatakas naman ang sinasabing lider ng grupo na nakilalang si Ramon Go, dating US Navy serviceman.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO4 Roger Yalong, ng CPD-Criminal Investigation Unit (CIU) may hawak ng kaso na dakong alas- 7:30 ng umaga ng maganap ang engkuwentro sa panulukan ng Gen. Woods at Apollo Sts. sa San Francisco del Monte ng nasabing lungsod.

Nabatid na matapos makatanggap ang pulisya ng impormasyon tungkol sa pinagkukutaan ng mga suspect ay agad silang nagsagawa ng rescue operation para sagipin ang mga kidnap victims na sina Josephine Jao, 40; ang anak nitong si Aaron, 16 at ang driver nilang si Rolly Tugado na dinukot ng grupo noong nakalipas na Martes.

Binanggit pa ng pulisya na ang nasawing pulis na si de Leon ay nagsilbing advanced team ng operatiba.

Tumagal ng halos apat na oras ang pagkukulong ng mga suspect at pakikipaglaban sa mga awtoridad, matapos ito ay napilitan na rin silang sumuko makaraang maubusan na ng bala.

Narekober sa mga suspect ang isang armalite rifle, isang kalibre .45 baril at iba’t bang uri ng bala.

Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad para sa ikadarakip ng utak na si Go at iba pang kasamahan nito. (Ulat nina Jhay Mejias at Joy Cantos)

Show comments