Nagbenta ng nakaw na plantsa, tinarakan ng binentahan

Sinaksak at malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos niyang bentahan ng nakaw na plantsa ang kanyang kapitbahay, kamakalawa sa Makati City.

Nakilala ang biktima na si Joseph Mangahas, 27, ng Laperal Compound, Bernardino St., Barangay Guadalupe Viejo, sanhi ng apat na saksak na tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang suspect naman na mabilis na tumakas matapos ang insidente ay nakilala lamang sa alyas na Natoy.

Nabatid na nagtungo ang biktima sa bahay ng suspect dakong alas-7:30 ng gabi upang ibenta ang isang plantsa. Binayaran naman kaagad ng suspect ang plantsa dahil ibineta lamang ito sa halagang P200.

Gayunman, hindi nagtagal ay nalaman din ni Natoy na nakaw pala ang plantsa na ibinenta sa kanya kung kaya agad niyang pinuntahan sa bahay ang biktima upang ibalik ang plantsa at bawiin ang pera.

Hindi naman maibalik ng biktima ang pera sa katuwirang nagastos na niya ito na naging dahilan nang pagkagalit ng suspect.

Nauwi ang usapan sa mainit na komprontasyon hanggang sa maglabas ng panaksak ang suspect at saksakin ng apat na ulit ang biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments