Katulong bugbog sarado sa mag-utol na amo

Halos hindi na makilala makaraang mamaga ang mukha at magsara ang dalawang mata ng isang 17-anyos na katulong na pinagtulungang bugbugin ng kanyang mga among Fil-Chinese national, kamakalawa sa Quezon City.

Personal na sinamahan ng mga barangay tanod sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Elma Gantes, matapos na makakuha nang pagkakataon at makatakas sa malupit niyang mga amo na nakilalang sina Jacquelyn Chiu Santos, 44 at si Jenny Chiu Ong, ng No. 1 Cherry St., Congress Village, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Sonny Basilo ng CPD Station 3, dakong alas-3 ng hapon nang tumakas umano ang biktima sa bahay ng kanyang amo matapos siyang pagtulungang bugbugin ng magkapatid na Chiu.

"Hindi ko na po kayang tiisin ang ginagawang pagmamalupit nila sa akin kaya ng makakuha ako ng tiyempo ay tumakas na po ako", naiiyak na pahayag ng biktima.

Nagtago ang biktima sa loob ng Cherry Foodarama na hindi kalayuan sa bahay ng kanyang amo na dito siya nakita ng guwardiya at itinurn-over sa mga barangay officials na nagsama naman sa kanya sa pulisya.

Nang imbitahan ng mga pulis ang magkapatid na suspect, sinabi ng mga ito na kaya lamang sila napilitang saktan ang katulong ay sa dahilang ninakawan umano sila nito ng $50 at mga alahas at saka tumakas.

Wala namang nakuha sa biktima na sinasabing ninakaw nito sa kanyang dalawang amo.

Bukod umano sa pagmamalupit na dinanas nito sa kamay ng magkapatid na suspect, hindi pa rin umano siya pinapakain ng mga ito kung minsan ay balat ng saging ang isinusupalpal sa kanya. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments