Kasabay nito, sinabi pa ni Ong na ang Hong Kong Triad and utak sa likod ng pagbibiyahe ng nakumpiskang P2 bilyong halaga ng shabu sa Panukulan, Quezon kamakalawa.
Kahapon ay bumisita sina Rosebud at Dante Jimenez, Chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa PNP Crime Laboratory sa Camp Crame sa paglalayong maituro sa pulisya ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng shabu sa bansa.
Ayon kay Rosebud, tanging ang Hong Kong Triad lamang ang may makinarya na may kakayahang magproseso ng 1 toneladang shabu sa bawat araw.
Sa bawat tonelada ng Ephedrin, maaari umanong makagawa ang Hong Kong Triad ng 350 hanggang 380 kilo ng shabu.
Samantala, sinabi naman ni Rosebud na posibleng "may halo" ang shabu na nahuli kina Panukulan, Quezon Mayor Ronnie Mitra dahil umabot ito sa halos 500 kilo.
Idinagdag pa ni Rosebud na maliban sa mga ordinaryong sasakyan at mga ambulansiya, gumagamit din ng karo ng patay ang triad sa pagbibiyahe ng shabu.
Naniniwala rin si Rosebud na ang pagkakaaresto kay Mitra ay magsisilbing banta sa mga lokal na opisyal upang tumigil na sa mga katiwalian, partikular na sa illegal na droga.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit dalawang tonelada ng shabu ang nasa imbentaryo ngayon ng PNP Crime Laboratory sa Camp Crame.
Ayon kay Crime Lab Director Chief Supt. Marlowe Pedregoza, ito ay may katumbas na halagang halos limang bilyong piso, kasama na rito ang 500 kilo na nakumpiska sa Quezon. (Ulat ni Joy Cantos)