Negosyante patay sa aksidente

Halos hindi na makilala ang isang 43-anyos na Filipino-Chinese matapos na magkadurog-durog ang katawan at mabasag ang mukha matapos na sumalpok ang minamaneho niyang sasakyan sa isang poste ng Light Rail Transit (LRT) , kahapon ng madaling araw sa Ermita, Manila.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na si Victor Kao Ngo, negosyante ng Caballero St., Binondo, Manila.

Base sa imbestigasyon, nabatid na naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling araw sa panulukan ng P. Burgos at Arroceros Sts. sa Ermita.

Lulan si Ngo ng kanyang pulang Isuzu Troopers na may plakang VKN-888 at ayon sa mga saksi ay nakitang pagewang-gewang ang takbo nito hanggang sa sumalpok nang tuluyan sa poste ng LRT.

Grabe ang tinamo nitong sugat sa katawan makaraang maipit ng manibela dahil sa matinding pagkabangga. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments