Meat lovers walang dapat ipangamba sa Anthrax - NMIC

Inanunsiyo kahapon ng National Meat Inspection Commission (NMIC) na walang dapat pangambahan ang lahat ng meat lovers sa bansa sa kasagsagan ng pananalasa ng virus na Anthrax sa Estados Unidos.

Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Efren Nuestro, director ng NMIC na hindi dapat matakot ang mga meat lovers sa pagkain ng mga produktong karne dahil sa ligtas naman ang ganitong produkto sa ating bansa.

Gayunman, ayon kay Nuestro patuloy na ipinatutupad ang double alert status sa lahat ng entry point ng bansa partikular ang mga paliparan at pantalan para maiwasang makapasok ng mga produktong karne na may Anthrax.

Sinabi pa nito na pinag-aaralan nila na ipatupad ang suspensiyon ng importasyon ng karne sakaling lumawak pa ang epekto nito sa ibayong dagat.

Samantala, ipinayo naman ng mga dalubhasang doktor sa bansa na mahalaga ngayon na matutunan ng mga Filipino ang sumailalim sa flu at pneumonia immunization upang magkaroon ng panlaban ang kanilang katawan sa pagsalakay ng hindi nakikitang virus o bacteria tulad ng Anthrax. (Ulat nina Angie dela Cruz at Andi Garcia)

Show comments