Kaugnay nito, isang memorandum ang ipinalabas ni Roco na mahigpit na nag-uutos sa mga guro na ipabatid sa mga mag-aaral ang mga aral at hindi mabuting naidudulot ng gawaing terorista.
Isang magandang aral na maaaring makuha ng mga mag-aaral ay ang kabayanihan sa oras ng kagipitan kapag naharap sa katulad na sitwasyon. Inihalimbawa ni Roco ang kabayanihan ng ilang mga bumbero na pumasok sa loob ng WTC Tower sa kabila ng panganib sa buhay nila na kanilang ikinasawi dahil sa pagguho nito.
Bukod dito, tatalakayin rin naman ang lokal na bersyon ng kabayanihan ng isang 11-taong gulang na si Seijid Bulig na nakapagligtas ng 9 na bata nang maganap ang Pagoda tragedy. Nasawi rin si Bulig sa naturang trahedya nang hindi na nito makayanan ang pagod at malunod.
Idinagdag ni Roco na kailangan ring isama sa tatalakayin kung paano maiiwasan ang kahalintulad ng pag-atake sa pamamagitan ng edukasyong sa kapayapaan, pagiging handa sa anumang trahedya, at pakikisangkot sa oras ng rehabilitasyon matapos ang trahedya tulad ng ginawang pag-aambag ng dugo ng mga Amerikano para sa mga sugatang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)