Ito ang nakasulat sa salamin sa loob ng banyo na tinutuluyan ng isang pabling na Swedish at hinihinalang isinulat nito bilang pamamaalam bago siya magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang sentido sa The Garden Plaza Hotel sa Paco, Maynila kahapon ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Peter Weber, nanunuluyan sa Room 144 mula sa ikatlong palapag ng nasabing hotel. Siya ay nagtamo ng isang tama ng punglo sa kanang sentido mula sa isang .38 Llama na kalibreng baril.
Sa imbestigasyon ni Det. Edison Bertoldo, ng Western Police District, bandang alas-12:15 ng hapon ng matagpuan ng isang room boy ang nakalugmok na bangkay ng dayuhan sa loob ng banyo ng kanyang silid.
Natagpuan naman ng mga awtoridad ang ibat ibang larawan ng mga babae habang nakadikit ito sa salamin kung saan isinulat ng biktima ang katagang "I love you all". Nakita rin ang isang suicide note at mga dokumento sa tabi ng biktima.
Nabatid na mahigit na dalawang taon na umanong stay-in sa naturang hotel ang biktima at nakilala siya bilang isang palikero at mahumaling sa ibat ibang babaing Pinay.
Sinabi ni Bertoldo na may anim na oras nang patay si Weber nang makita ang katawan nito at kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan kung may foul play sa pagkasawi nito.
Nakatakdang dalhin naman sa Sweden Embassy ang mga naiwang mga dokumento ng biktima habang ang labi nito ay sumasailalim sa awtopsiya sa Tres Amigos Funeral Parlor sa Maynila. (Ulat ni Andi Garcia)