Sa sketchy report na nakalap ng Camp Crame, kamakalawa umano ay ipinakita ng pulisya sa nakatakas na biktimang si Angel Barquilla ang larawan ng ilang suspect na miyembro ng Frederick Valencia Group na responsable sa pagdukot at pagpaslang sa negosyanteng si Connie Wong at PO1 Dionisio Burca Jr. Ang una ay hipag ng Uratex owner na si Robert Cheng.
Isa sa mga larawan ay positibong kinilala ni Barquilla na siyang dumukot sa kanila kung kaya agad umano na nagsagawa ng follow-up operation ang National Anti- Crime Commission Anti-Kidnap for Ransom Task Force na nagresulta sa pagkakadakip ng isa sa isang suspect kahapon.
Gayunman, tumanggi si PNP chief Director General Leandro Mendoza na kilalanin ang nadakip na suspect at kung papaano ito nasukol dahil sa patuloy pa rin ang isinagawang operasyon laban sa mga kasamahan nito.
Ang kumpletong detalye sa pagkakadakip sa isa sa mga suspect ay isinumite na ni Mendoza kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kahapon sa Malacañang.
Magugunitang sina Wong at Burca ay natagpuang patay nitong nakaraang Miyerkules sa boundary ng Valenzuela at Meycauayan, Bulacan. (Ulat ni Joy Cantos)