Misis at hipag tinarakan ni mister sa loob ng pampasaherong jeep

Dahil sa nais umanong kunin ang kanyang bunsong anak sa pangangalaga nito, nagawang saksakin ng isang mister ang kanyang misis at hipag na kapwa patawirin na naganap, kamakalawa sa Makati City.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspect na si Elmer Quijada, 42, ng #4050 Bernardino St., Laperal Compound, Brgy. Guadalupe Viejo.

Samantala, ang magkapatid na biktima ay nakilalang sina Alejandra Quijada, 38, asawa ng suspect at Alberta Nuñez, 27, na kapwa ginagamot ngayon sa Makati Medical Center sanhi ng saksak sa kani-kanilang katawan.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Leonardo Timtiman, ng Homicide Section, Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa loob ng umaandar na pampasaherong jeep na bumabagtas sa kahabaan ng Kalayaan Avenue ng lungsod na ito.

Ang suspect at ang mga biktima ay magkakasamang nakasakay sa isang pampasaherong jeep at nag-uusap tungkol sa problema sa kanilang pamilya.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawang Elmer at Alejandra dahil pinagpipilitan ng ginang na kunin niya ang kanilang bunsong anak na nasa pangangalaga ng kanyang mister.

Tumanggi ang suspect at sa galit ni mister ay kinuha nito sa bulsa ang nakatagong balisong at inundayan ng saksak ang kanyang misis at idinamay nito ang hipag.

Matapos isagawa ng lalaki ang pananaksak sa mga biktima, mabilis itong tumakas samantalang ang magkapatid namang biktima ay mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ng ilang pasaherong nakasakay sa nasabing jeep. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments