Habambuhay na kulong sa courier ng shabu

Isang lalaki na tubong Mindanao ang nakatakdang gugulin ang natitirang bahagi ng kanyang buhay sa malamig na rehas na bakal sa loob ng Muntinlupa Bilibid Prison matapos hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa salang paglabag sa dangerous drug act.

Maliban sa hatol na habambuhay, inatasan din ni Judge Ramon Makasiar ng Manila RTC Branch 35 ang akusadong si Zafra Mararao na magbayad ng kabuuang halagang P5M bilang multa sa krimeng nagawa nito noong Nobyembre 30, 2000.

Sa 6 na pahinang desisyon ni Judge Makasiar na ang akusado ay napatunayang guilty sa salang pagde-deliver ng 1,280.081 gramo ng metamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu.

Sinasaad pa sa rekord ng korte na noong nasabing araw ay nakatanggap ng impormasyon ang WPD station 8 na magde-deliver ng shabu ang akusado sa Islamic center, Quiapo, Manila.

Bandang alas- 7 ng gabi nang maaktuhan ng mga awtoridad ang akusado kasama ang isang look-out na patungo sa Islamic center para dalhin ang nasabing shabu.

Mabilis bumuntot ang mga awtoridad na natunugan naman ng lookout kaya ito ay mabilis na tumakas at naiwan si Mararao na naging dahilan para ito ay maaresto.

Ibinasura ng korte ang alibi ng akusado sa kanyang depensa na naroroon lamang siya nang maganap ang krimen at hindi kanya ang nasabing shabu. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments