Hindi na umabot pang buhay ng isugod sa Quezon City General Hospital ang biktimang si SPO1 Samad Gogo, nakatalaga sa Regional Mobile Group (RMG) ng Camp Bagong Diwa, Taguig Metro Manila sanhi ng tinamong maraming tama ng bala sa kanyang katawan.
Nakaligtas naman sa kapahamakan ang negosyanteng si Domingo Tan, ng San Francisco del Monte, Quezon City na siyang target holdapin ng mga suspect.
Samantala, kasalukuyan namang inoobserbahan sa nabanggit na pagamutan ang isa sa mga suspect na nakilalang si Randy Ramirez ng Marice, Guiguinto, Bulacan sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa dibdib, habang nakatakas naman ang isa pa nitong sugatan ding kasamahan.
Batay sa ulat ni SPO2 Felix Pajarillo, ng CPD Station 3, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon sa harapan ng Fitness Flash Gym sa Tandang Sora Avenue ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, kasama ng negosyanteng si Tan ang nasawing pulis lulan ng isang Toyota Revo at kagagaling pa lamang sa isang sangay ng Metrobank at nag-withdraw ng pera nang harangin at lapitan ng mga armadong suspect sakay sa motorsiklo.
Agad na pinaulanan ng bala ng baril ng mga suspect ang sasakyan ng mga biktima at tinamaan agad ang nasabing pulis.
Ngunit bago tuluyang bumagsak ang pulis ay nakabunot pa ito ng baril at nakaganti nang pagpapaputok sa mga suspect. Sugatang bumagsak si Ramirez at iniwan ng tumakas niyang kasamahan na nakilala lamang sa alyas na Domeng.
Habang nagkakaputukan ay nagtago sa ilalim ng upuan sa loob ng sasakyan ang negosyanteng si Tan kaya nakaligtas ito sa tiyak na kapahamakan.
Hindi naman nagtagumpay ang mga suspect sa kanilang panghoholdap. (Ulat ni Jhay Mejias)