Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group Office for Businessmens Concern chief Supt. Efren Danao ang mga dinukot na sina Mark Johnsei Giga, 13; kapatid na si Michael Giga, 14; mga pinsang sina Manuel Joseph Ancheta, 10 at Princess Marian Ancheta at ang kanilang tiyuhin na si Michael Ibañez, 32.
Gayunman makalipas ang ilang minuto ay napalaya ang apat at tanging dinala ay ang biktimang si Mark Giga na nasa ika-anim na baytang sa Marian School na nasa Sauyo Road, Novaliches, Quezon City.
Si Mark ay anak ng publisher ng isang Japanese newspaper sa bansa na si Zei Zabburo Giga.
Ayon kay Danao, dakong alas-7:30 ng umaga habang pababa ang mga biktima mula sa kanilang sinasakyang Toyota FX na may plakang UHF-169 at papasok na sa kanilang paaralan sa Marian School nang biglang salubungin ng anim na armadong mga suspect.
Muli umanong pinasakay ng mga suspect ang mga biktima pabalik sa kanilang sasakyan at isa sa mga suspect ang umagaw ng manibela kay Ibañez.
Tinahak ng mga suspect ang landas patungong San Mateo, Rizal kung saan pagsapit ilang minuto pa ay pinababa na ang apat sa mga biktima at saka tinangay si Mark.
Habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang tinatanggap na mensahe ang pamilya Giga buhat sa mga suspect.(Ulat nina Joy Cantos at Jhay Mejias)