Si Reynaldo Ortillano, 29, may-asawa, driver at stay-in sa Caloocan City police station ay nakaligtas sa kamay ng kanyang mga abductors habang ang kasama nito na nakilala lamang sa pangalang Patis, nakatira sa Bagong Silang ay pinaghahanap pa ng pulisya.
Lumilitaw sa ulat na dakong alas-11:45 ng umaga nang maganap ang umanoy tangkang pagdukot kay Ortillano sa harap ng SM Fairview.
Base sa naging salaysay ni Ortillano, kasalukuyan umano siyang namamasyal kasama ang kaibigan na si Patis nang mapagpasyahan nilang umuwi na.
Habang nag-aabang ang mga biktima ng masasakyan ay bigla na lamang huminto sa kanilang harapan ang isang kulay asul na L-300 van na may plakang PEN-1 at dito ay bumaba ang apat na kalalakihan na armado ng baril at saka sapilitang ipinasok ang mga ito sa loob ng nasabing sasakyan.
Diumano, patungong Montalban, Rizal ang tinatahak ng nasabing sasakyan at pagsapit sa Fairview Litex ay naipit umano sa trapiko ang mga ito.
Dahil dito, sinamantala ni Ortillano ang pagkakataon hanggang sa tumalon ito sa sasakyan at mabilis na tumakbo papalayo.
Nabatid na humingi ng tulong si Ortillano sa ilang kagawad ng pulisya habang ang kasama nito ay naiwan sa nasabing van.
Magugunita na si Ortillano ang naging star witness sa pagkakadakip sa pangunahing suspect sa pagpaslang kay Japanese harp artist Tadao Hayashi sa loob ng bahay nito kamakailan sa Bagong Silang, Caloocan City. (Ulat ni Gemma Amargo)