Isinugod sa Sto. Niño de San Antonio General Hospital ang mag-asawang sina Alexander San Ruiz, 42 at Sherly, 52, kasama ang kanilang anak na si Cris, grade six pupil at naninirahan sa Greenpark Subdivision, Brgy. Manggahan, Pasig City.
Nabatid na nailigtas na sa kamatayan ang mag-amang San Ruiz na nagtamo ng ibat ibang sugat sa katawan, gayunman nasa kritikal namang kondisyon si Sherly na sinasabing maraming dugo ang nawala matapos maghiwa ng pulso.
Sa ulat ni PO1 Ferdinand Clemente, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling araw sa loob ng kanilang bahay. Nagtatalo umano ang mag-asawa ukol sa umanoy pagwawaldas ng pera ni Alexander na itinatanggi naman ng huli.
Dito umano nakakuha ng isang kutsilyo mula sa kusina si Sherly at sinugod ng saksak ang asawa na tinamaan sa leeg at sikmura. Dahil sa nasaksihan , nagsisigaw at nag-iiyak ang kanilang anak na si Cris na siya namang pinagbalingan ng ina na saksakin.
Nang makita naman ni Sherly na duguan ang kanyang mag-ama ay nagpasya itong maghiwa ng pulso.
Nabatid ng pulisya buhat sa mga kamag-anak ng mag-asawa na taong 1980 ay nagkakilala ang dalawa sa loob ng NCMH at doon umusbong ang kanilang pag-iibigan na nakatulong naman sa kanila sa maaga nilang paggaling.
Nang makalabas ng pagamutan ay nagpasya ang dalawa ng magpakasal at ang ibinunga ay si Cris.
Naging maayos naman ang pagsasama ng dalawa hanggang sa malasin sa negosyo na maari umanong dahilan upang ma-depress si Sherly. (Ulat ni Danilo Garcia)