Batay sa reklamo nina Luisito Clavano, Carlitos Clavano at Ronald Clavano, president at direktor ng Wintrack Builders, ayon sa pagkakasunod, hiniling ng mga ito sa Korte na atasan si Yasay na bayaran sila ng halagang P10 milyon para sa moral damages; P1 milyon bawat isa para sa exemplary damages at attorneys fees.
Bukod kay Yasay, kasama ring kinasuhan ng civil suit si Jovino Lorenzo Jr., vice-president ng MIAA-NAIA Association of Service Operators (MASO).
Lumilitaw sa records na noong Hulyo 12, 1997, nagkasundo ang Department of Transportation and Communications na nooy kinatawan ni Secretary Arturo Enrile at ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa pamamagitan ng isang concession agreement sa Philippine International Air Terminals Co., Inc. (PIATCO) kung saan nakasaad na ang huli ay siyang may responsibilidad na mag-finance, magtayo, mamahala, magpatakbo at magsalin sa pamahalaan sakaling matapos na ang pagpapatayo ng NAIA passenger Terminal II.
Sinabi ng mga plaintiffs na wala silang kinalaman sa anumang pagpapalabas ng concession agreement na umanoy na-reinstate, na-amend at supplemented noong Nobyembre 1998, Agosto 1999 at Sept. 2000.
Noong Oktubre 20, 2000, nagbigay ng kontrata ang PIATCO para sa demolisyon kung saan inatasan ang plaintiff na alisin at tuluyan nang i-demolish ang subterranean structure sa NAIA IPT 3 site na sinasabi ng PIATCO. Batay na rin sa kontrata, agad din silang binayaran ng PIATCO.
Idinagdag pa ng plaintiffs na ang DOTC at MIAA ay hindi mga parties at signatories sa naturang kontrata para sa demolisyon.
Matatandaan na noong Sept. 10, 2001 ay ipinagharap naman ng kaso sa Ombudsman DOTC Secretary Pantaleon Alvarez kasama ang mga plaintiffs bunga na rin ng ipinatutupad na concession agreement, na sinasabing naglalaman ng iregularidad. Itinanggi rin ng mga plaintiffs na nakipagsabwatan sila kay Alvarez. (Ulat ni Doris M. Franche)