Ito ang malaking palaisipan sa pagkakapuslit palabas ng bansa ng isang international drug courier na nakumpiskahan ng may walong kilong metamphitamine hydrochloride o shabu nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Centennial 2 noong Biyernes mula sa Xiamen, China.
Si Kang Tai Kun, ay malayang nakalabas ng Pilipinas nang sumakay ito sa China Airlines flight C-638 noong Sabado ng umaga.
Isang nagngangalang Ola, immigration officer sa departure area ng NAIA Terminal1 ang nagbigay umano ng clearance dakong alas-8:51 ng umaga kay Kang para makasakay ng eroplanong maghahatid sa kanyang destinasyon.
Huli na nang matuklasan ng mga customs officer na may dalang shabu si Kang dahil hindi agad iniksamin ang dalang bagahe nito nang dumating siya sa Airport.
"Pinaiwan lamang nila ang kulay pulang kahong dala ni Kang sa customs in-bond section at saka pinalabas ito ng airport," ayon sa source.
Gayunman, bandang alas-11:15 ng gabi ay pinabuksan ni NAIA Customs Collector Celso Templo ang bagaheng iniwan ni Kang at dito nadiskubre ang lamang shabu nito.
Samantala, isa pang dayuhan na si Hsu Jui-Chang na sakay ng eroplanong China Southern flight CZ-377 ay nakuhanan ng 7.5 kilong shabu na nakabalot din ang epektos sa kaparehong bitbit ni Kang. Pero hindi pinatakas si Hsu gaya ng ginawa kay Kang. (Ulat ni Butch Quejada)