Hindi na umabot ng buhay nang isugod sa Makati Medical Center ang biktimang si Fire Insp. Leo Esteban, 29, binata, nakatalaga sa nabanggit na tanggapan sanhi ng tama ng bala sa tagiliran.
Samantala, kusang-loob namang sumuko sa kanilang hepe na si Senior Supt. Arsenio Tabajonda ang suspect na si Fire Insp. Reynaldo Enoc, 29, nakatira sa #69-E Masagana St., Brgy. Sta. Ana, Pateros.
Lumalabas sa imbestigasyon nina SPO1 Lewelie Cristobal at PO2 Juancho Ibis ng Homicide Section, Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:10 kahapon ng umaga sa loob ng barracks ng Makati City Fire Dept. na matatagpuan sa Malugay St. panulukan ng Ayala Avenue.
Nabatid na binibiro umano ng suspect ang biktima sa pamamagitan ng pagtutok dito ng nabanggit na kalibre.
Dahil sa pag-aakala ni Enoc na walang bala ang kanyang baril, nakalabit niya ang gatilyo at laking gulat na lamang nang biglang pumutok at aksidenteng tinamaan si Esteban.
Sa pangyayaring ito nataranta si Enoc kayat hiningi niya ang saklolo ng ilang kasamahang bumbero upang isugod sa nabanggit na pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Napag-alaman na ang biktima at suspect ay magkaibigan at magkaeskuwela sa Batch 1998 ng Philippine National Police Academy (PNPA). (Ulat ni Lordeth Bonilla)