Half-mast mananatili hanggang Setyembre 18

Mananatiling naka-half-mast ang mga bandilang nakataas sa lahat ng opisina ng pamahalaan sa bansa hanggang Setyembre 18 bilang pakikidalamhati sa trahedyang naganap sa New York at Washington D.C. na kagagawan ng mga terorista.

Isang memorandum ang pinalabas ni Executive Secretary Alberto Romulo na nag-aatas sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, kabilang na ang mga korporasyong pag-aari ng gobyerno na magtaas ng bandila hanggang kalahati ng tagdan bilang pagluluksa at pakikiramay sa Amerika sa pagpapasabog sa World Trade Center at Pentagon na ikinasawi ng maraming tao.

Ang Memorandum Circular na ipinalabas ni Romulo ay bilang pagtalima sa isang kautusan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bago siya umalis patungong Japan noong Miyerkules.

Ang Pangulo at ang 76 milyong Pilipino ay nagpahayag na ng pagkondena sa ginawang pagpapasabog na ito sa matataas na gusali ng US sa pamamagitan ng hinayjack na apat na eroplano ng mga terorista. Nagpaabot din ang bansa ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi sa trahedya. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments